Ang San Jose Family Care Credit Cooperative ay isang kooperatiba na nabuo noong ika-tatlo ng Disyembre taong 2014. Ang linya ng kanilang negosyo ay ang pagpapahiram ng puhunan. Noong taong 2016, nag-alok ang (CDA) Cooperative Development Authority na magturo sa kanila ng paggawa ng tsinelas. Kanilang naisip na ang tsinelas ay isa sa mga pangunahing pangangailangan sa San Jose kaya ito ang kanilang napili na tahakin. Sagot din ito sa pangangailangan ng dumaraming turista na bumibisita sa isla. Kanilang napagtanto na ito ay dagdag kita lalo na sa mga kababaihan at nanay na miyembro ng kooperatiba.
Tinulungan ng DOST-MIMAROPA ang kooperatiba sa pamamagitan ng Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program. Magmula 2017, ang mga miyembro ng kooperatiba ay nasa larangan na ng paggawa ng mga tsinelas at sandalyas upang magkaroon ng pagkakakitaan. Nakatanggap ang kooperatiba ng iba’t ibang technologies para sa paggawa ng kanilang produkto gaya ng embroidery machineat lockstitch sewing machine noong 2018, at hydraulic cutting machine at shoe grinding machine nung 2021. Ang mga teknolohiyang ito ay ginagamit upang mas mapaganda ang itsura ng mga tsinelas, masigurado ang katibayan, at para mas mapabilis ata maparami ang produksyon ng mga ito.
Noong ika-23 at ika- 24 ng Pebrero 2022, kasama ang isang eksperto sa paggawa ng mga tsinelas at sapatos, ay nagsagawa ng pagsasanay upang matulungan ang kooperatiba na mas mapalawak ang mga klase ng kanilang mga produkto at mas maisayos ang pamamaraan sa paggawa nito. Ilan sa mga bagay na pinagtuunan ng pansin ay paggawa ng “doll shoes” at ilang napapanahong disenyo ng tsinelas gaya ng slides, sandal-style, one-toe-post, spartan-type, at mga classic flip-flops. Gayundin, ibinahagi ng eksperto ang mga prosesong dapat sundin para mapabilis ang produksyon, tamang paggamit ng raw materials gaya ng pandikit para mapanatiling matibay ang produkto, at ang pagpapanatili ng kalinisan at pagiging masinop sa paggamit ng materyales upang mabawasan ang mga tapon.
Isa-isa ring tinutukan ng eksperto ang mga manggagawa ng tsinelasan sa isang actual na pagdisenyo at paggawa ng mga kani-kanilang tsinelas at sapatos. Tuwa at pasasalamat ang ipinaabot ng mga miyembro ng kooperatiba sa DOST-MIMAROPA matapos ang pagsasanay. Ayon sa kanila, dahil sa mga bagong kaalaman nila ay makakapagdagdag sila ng produkto na maaring pagkakitahan.